Ang imahe na ito ay nakuha ko lang sa Google maraming salamat sa may-ari ng imahe ng Poong Nazareno na ito. Pagpalain ka ng Diyos Ama sa pag share mo sa lahat. Maraming Salamat po.
Marami ng nasabi sa mga deboto, kadalasan hindi maganda. Madalas ang sabi nila ang mga namamanata ay ipokrito, at babalik sa dati nilang masasamang bisyo o pag-uugali pagkatapos ng kapistahan. Nahiya naman kami sa inyo, at malamang tama rin kayo sa naturing ninyo. Ikaw? nagsisimba ka ba? Para magpasalamat ba? o baka iba rin ang sinasamba mo?
Ang kahit sino sa atin walang karapatang manghusga ng Kapwa. Kung hindi mo kayang magbigay respeto sa Senyor Jesus Nazareno. Wag mo na lang pagsalitaan ang mga taong katulad namin na sa kanya ay deboto. Tandaan mo, makasalanan ka rin kagaya namin. At sa mga debotong katulad ko, sana hindi bulag ang iyong pagsamba at paniniwala. Hindi dahil napapanahon lang saka ka lang nakikita. Ang debosyon sa Poong Nazareno ay ginagawa araw-araw. Patunayan mo sa lahat na isa ka sa nabiyayaan at patuloy na ginagabayan ng Diyos Ama sa pamamagitan ng Senyor Jesus Nazareno. Ipakita mo ang pagbabago dahil sa pagmamahal sa atin ng Diyos Ama, sa pamamagitan ng Mahal na Jesus Nazareno.
Ihahalimbawa ko ang sarili ko sa puntong ito, noong 1994 nagsimula ang pagsimba ko sa Quiapo, dahil sa sobrang haba ng byahe ko mula Pasig hanggang Mendiola at pabalik, ang byahe ko ay higit 2 oras noon pagpasok at pauwi sa byahe pa lang kumakain ng 5 oras sa araw-araw na byahe..at napakahirap sumakay ng jeep sa Univeristy Belt – naging tambayan ko ang simbahan ng Quiapo. Bukod sa maraming mauupuan ligtas naman sa loob…at maski nasa gitna sya ng syudad na ubod ng ingay at dumi, sa maniwala kayo at sa hindi napaka tahimik sa loob ng simbahan at malinis. Doon ko naramdaman ang katahimikan. Ang dami kong problema sa Pamilya at Eskwelahan noon. At dahil sa madalas kong ginagawa ang magpalipas ng oras sa simbahan – dahil nagpapalipas oras ako ng rush hour noon; natuto akong magnobena, mag rosaryo at doon ko nakita ang pag-asa sa piling ng Diyos Ama. At simula noon, hindi matatapos ang bawat taon na hindi ako pupunta ng Quiapo at magsisimba para magpasalamat. At sa haba nang panahon, sa Quiapo Church pa rin ako tumatakbo kapag gusto kong maghinga ng sama ng loob. Kasama na diyan yung mga panahong nagkaproblema ako sa Pamilya ko. Nagkahiwalay kami ng Mister ko at mga naging problema ko sa trabaho, sa pera, sa mga kaibigan ko at mga nakasamaan ko ng kalooban..lahat sinasabi ko sa Diyos Ama, doon ako umiiyak – ang mga bagay na ito hindi ko magagawa sa simbahan sa may amin dahil maraming nakakakilala sa akin. Pag nakita nila akong umiiyak baka mapag usapan pa ako at makarating pa sa magulang ko; mag-aalala lang sila sa akin, hindi ako mapapanatag pag ganun…pero sa Quiapo marami akong katabi na di ko man kilala at palakasan pa kami ng pagsinghot ng sipon dahil sa pag iyak, may problema man parepareho, lahat kami ay naniniwala sa himala ng Diyos Ama. May mga panahon pa na nakahuntahan ko pa ang mga vendor sa Quiapo. Kasama na dyan yung mga manghuhula at mga oras na tumitingin sa mga paninda, damit ng bata, dvd at marami pang iba. At bawat taong sumisimba ako sa Quiapo, sa awa ng Senyor Nazareno nahubog ang pagkatao ko. At hangga’t kaya ng katawan kong nagkaka edad na pupunta at magsisimba pa rin ako sa Quiapo. Husgahan man ninyo ako, wala akong pakialam, pagtawanan nyo man ang paniniwala ko. Sa dami ng mga pinagdaanan ko…di ikaw, o kayo ang nakakatulong sa akin, ang alam ko lang sa buong buhay ko – walang ibang makakatulong sa akin kundi ang Diyos Ama lamang. At siya ang naghubog sa akin at ito ang ipinagmamalaki ko ng lubos na ako, kagaya mo ay anak rin ng Diyos Ama. At tayong lahat Mahal nya.
Viva, Senyor Jesus Nazareno! Maraming Salamat sa lahat ng biyaya.